Tuesday, September 29, 2026

π— π—šπ—” π—•π—’π—§π—”π—‘π—§π—˜, π—›π—”π—§π—œ π—”π—‘π—š π—¦π—”π—Ÿπ—’π—’π—•π—œπ—‘ 𝗦𝗔 π—£π—”π—šπ—£π—”π—£π—”π—Ÿπ—œπ—•π—”π—‘ π—‘π—š 𝗕𝗔π—₯π—”π—‘π—šπ—”π—¬ 𝗔𝗧 π—¦π—ž π—˜π—Ÿπ—˜π—–π—§π—œπ—’π—‘π—¦

CAUAYAN CITYβ€” Hati ang pananaw at saloobin ng publiko hinggil sa pagkakapasa ng batas na opisyal na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula sa orihinal na schedule nitong Nobyembre 2026 tungo sa Nobyembre 2028.

Sa ilalim ng nasabing batas, papalawigin sa limang taon mula sa kasalukuyang tatlong taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at SK, kaya sa ikalawang Lunes na ng Nobyembre 2028 gaganapin ang susunod na halalan.

Para sa ilang residente tulad ni Ginoong Ronald Purisima, pabor at ayos lamang sa kaniya ang pagpapaliban dahil nakikita naman niyang nagtatrabaho ang kanilang mga kasalukuyang opisyal sa barangay.

Subalit, hindi naman sang-ayon dito ang ibang residente tulad ni Ginoong Rexie Gagilonia, na naniniwalang mas mainam na matuloy ang halalan upang mabigyan ng pagkakataon ang ibang nais na subukang magsilbi sa komunidad.

Nagbigay rin ito ng mensahe sa mga opisyal na hindi nagagampanan ng maayos ang kanilang tungkulin. Aniya, mas magiging magbitiw na lamang umano ito sa pwesto.

Pinaalalahanan din niya ang mga kapwa botante na kilalanin nang mabuti ang mga kandidato sa susunod na halalan upang hindi masayang ang kanilang mga boto.

Dahil sa pagkakapasa ng batas, pansamantalang itinigil ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga paunang paghahanda para sa 2026 elections, kabilang ang nakatakda sanang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC).

Inaasahang maglalabas ng bagong guidelines ang COMELEC para sa muling pagbubukas ng voter registration sa mga susunod na buwan.

Facebook Comments