Nagpaalala ang Balungao Municipal Police Station sa lahat ng motorista na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng modified mufflers na nagdudulot ng polusyon sa ingay at nakaaabala sa publiko.
Ayon sa public advisory ng pulisya, alinsunod sa Municipal Ordinance No. 2018-03, may kaukulang multa ang mga lalabag sa nasabing ordinansa.
Para sa unang paglabag, may ₱500 na multa, nasa ₱1,500 para sa ikalawang paglabag at ang ikatlong paglabag ay aabot sa ₱2,500 na multa.
Bukod sa multa, maaari ring kumpiskahin at i-impound ang mga sasakyang lalabag sa Balungao Police Station hanggang mapalitan ang modified muffler ng standard muffler.
Ayon pa sa abiso, kukumpiskahin din ang modified muffler pabor sa Lokal na Pamahalaan ng Balungao.
Dahil dito, hinikayat ng Balungao Police ang mga motorista, partikular ang mga motorcycle riders, na sumunod sa umiiral na ordinansa at gumamit ng mga standard muffler upang maiwasan ang abala at polusyon sa ingay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










