Nagbigay ng paalala ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa publiko na tiyaking ligtas ang kanilang mga tahanan bago magtungo sa mga sementeryo ngayong Undas.
Hinikayat ng PDRRMO ang mga mamamayan na planuhin nang maaga ang kanilang oras ng pagdalaw sa mga sementeryo at tiyaking nakakandado ang lahat ng pinto at bintana bago umalis.
Kabilang din sa mga paalala ang pagpatay sa lahat ng appliances at gas stove, gayundin ang pagtiyak na walang nakasinding kandila at nakabukas na gripo upang maiwasan ang sunog at iba pang posibleng insidente.
Pinayuhan din ang mga residente na iligpit ang mga gamit sa labas ng kanilang tahanan at magtagubilin sa pinagkakatiwalaang kapitbahay upang mabantayan ang kanilang bahay habang wala sila.
Binigyang-diin din ng PDRRMO na huwag mag-iwan ng anumang sulat o palatandaan na nagsasabing walang tao sa bahay upang hindi maging target ng mga masasamang loob.
Kasabay nito, pinaalalahanan ang publiko na manatiling alerto at mag-ingat sa pagbiyahe upang matiyak ang ligtas at mapayapang paggunita sa mga yumaong mahal sa buhay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










