BANGUS RODEO 2026, MULING NAGBIGAY ALIW SA MGA BANGUS GROWERS SA DAGUPAN CITY

Matagumpay na nairaos ang taunang Bangus Rodeo bilang bahagi ng Bangus Festival sa Dagupan City noong Abril 16, 2026.

Nakiisa sa selebrasyon ang mga bangus growers, buyers, deboners, classifiers, at maging mga mahihilig kumain ng bangus, maging limang eksperto sa industriya ng bangus na naging hurado sa mga isinagawang paligsahan.

Sinimulan ang kompetisyon sa “Fastest Bangus Eater” na nilahukan ng 15 kalahok, kung saan nagtagisan sa pabilisan ng pagkain ng dalawang inihaw na bangus.

Sinundan ito ng “Fastest Bangus Deboner,” na sumubok sa bilis at kalidad ng pagtanggal ng tinik; “Fastest Bangus Classifier” na luminang sa pag-uuri bangus ayon sa timbang at haba at inilagay sa tamang banyera.

Sa nasabing mga paligsahan, ang kampeon ay tumanggap ng P5,000 at medalya, habang P3,000 at P2,000 naman ang nakuha ng first at second runner-up. Tumanggap din ng P500 consolation prize ang ibang kalahok.

Bukod dito, itinampok din ang “Prettiest Dagupan Bangus,” kung saan hinusgahan ang kalidad ng isda batay sa anyo, laki, kaliskis, mata, at timbang. Ang kampeon ay nagkamit ng P7,000, habang ang mga runner-up ay tumanggap ng P5,000 at P3,000 kasama ang medalya.

Idinaos din ang “Longest Dagupan Bangus” at “Heaviest Dagupan Bangus,” kung saan sinukat ang haba at timbang ng mga kalahok na isda gamit ang standard measurements. Ang kampeon sa huling kategorya ay tumanggap ng P15,000, habang P10,000 at P5,000 naman ang napunta sa mga runner-up.

Ayon kay Bangus Rodeo Event Chairman Councilor Marcelino “Lino” Fernandez, layunin ng programa na magbigay-suporta at kasiyahan sa mga bangus growers sa lungsod.

Samantala, ayon sa lokal na pamahalaan, ang Bangus Rodeo ay isa sa mga pangunahing kaganapan ng Bangus Festival bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga bangus growers, lalo na sa gitna ng mga hamon sa pagpapalaki ng isda ngayong tag-init.

Kapansin-pansin naman ang kasiyahan ng mga dumalong bisita at kalahok sa matagumpay na pagdaraos ng naturang paligsahan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments