Pinaalalahanan ang lahat ng debotong bibisita sa Grand Canonical Coronation ng Our Lady of Manaoag ng mga ipinagbabawal na dalhin para sa kaayusan at kaligtasan sa mismong araw ng selebrasyon.
Ayon sa lokal na pamahalaan, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng anumang uri ng baril, matutulis na bagay tulad ng kutsilyo, gunting, at cutter, gayundin ang paggamit ng laser.
Hindi rin papayagan ang pagpapalipad ng drone o FPV maliban sa mga awtorisado at accredited na miyembro ng operasyon.
Kasama rin sa mga ipinagbabawal ang pagdadala ng backpacks o malalaking bag, pagsusuot ng bullcaps, sumbrero o anumang headwear, pati na ang pagdadala at pag-inom ng alak.
Ipinagbabawal din ang paninigarilyo, vaping, at paggamit ng electronic cigarettes sa mga pampublikong lugar.
Pinayuhan naman ang publiko na iwasang magsama ng mga batang pitong taong gulang pababa, mga alagang hayop, matatanda, at mga may iniindang kondisyon sa kalusugan gaya ng altapresyon, hika, at sakit sa puso, upang maiwasan ang posibleng abala o panganib sa kanilang kalagayan.
Ayon sa abiso, layunin ng mga ipinatutupad na alituntunin na matiyak ang kaligtasan, kaayusan, at maayos na daloy ng pagdiriwang na inaasahang dadaluhan ng mahigit isang milyong deboto mula sa iba’t ibang lugar. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









