
Posibleng konektado sa 18 dating sundalo na bodyguards ni dating Congressman Elizaldy Co ang sinasabing banta sa seguridad sa Senado kaya inilagay ito sa heightened alert.
Ito ang sinabi ni acting Senate President at Senate President pro-tempore Win Gatchalian matapos mapag-alaman ang impormasyon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na posibleng konektado sa 18 ex-bodyguards ni Co ang banta sa Senado.
Nangyari aniya ang pagbabahagi ng intel na ito noong nagsagawa ng consultative meeting ang Blue Ribbon Committee kung saan nilapitan ni Matibag si Committee Chairman Erwin Tulfo at sinabing posible na may armadong grupo ang manggulo.
Sa ngayon sinabi ni Gatchalian na kanilang siniseryoso ang banta sa seguridad at nakikipag-ugnayan na sila sa iba’t ibang intelligence agency at kasalukuyang vina-validate ang posibleng koneksyon ng 18 dating bodyguards ni Elizaldy Co na umano’y nagdala ng male-maletang pera sa mga opisyal ng pamahalaan.
Maging ang na-monitor na malakihang rally sa June 12 laban sa gobyerno ang maigi ring binabantayan ng Mataas na Kapulungan.
Binigyang-diin ni Gatchalian na lahat ng nakakalap na impormasyon tungkol sa banta sa Senado ay kanilang sineseryoso dahil prayoridad niya bilang acting Senate president ang kapakanan at kaligtasan ng mga empleyado, ng media at maging ng mga senador.
Samantala, sa labas ng gate ng Senado ay mahigpit ang ipinapatupad na inspeksyon ng mga pulis at security guards sa mga sasakyan na pumapasok.
Tinatanong muna ang bawat empleyado na papasok kung may official business at may listahan sila ng mga pinapayagan lamang na makapasok sa loob.
Naka work-from-home ngayon ang lahat ng mga empleyado matapos ipag-utos ni Gatchalian dahil sa banta sa seguridad.










