
Hihingi ng tulong ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga pribadong kontratista upang mapabilis ang pagkukumpuni ng mga kalsada at iba pang imprastrakturang napinsala ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao.
Sa ambush interview sa Quezon City, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na hindi kakayanin ng ahensiya lamang ang lawak ng pinsalang iniwan ng malakas na pagyanig.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na kailangan nilang makipagtulungan sa mga pribadong kontratista upang mas mapabilis ang pagsasa-ayos ng mga apektadong kalsada at maibalik agad ang normal na biyahe at paghahatid ng serbisyo sa mga lugar na tinamaan ng lindol.
Ayon kay Dizon, kabilang sa mga nasira ng lindol ang pangunahing lansangan sa Sarangani, General Santos City, South Cotabato, Davao Occidental, at Davao del Sur.
Positibo naman aniya ang naging tugon ng mga pribadong kontratista at nagpahayag na ang mga ito ng kahandaang tumulong sa rehabilitasyon ng mga napinsalang imprastraktura.










