Nagsasagawa ng clean up at recovery operations ang Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang ahensya matapos mamataan ang tinatayang isang daang litro ng halong langis at tubig sa bahagi ng baybayin ng Brgy. La Virgen Milagrosa sa Badoc, Ilocos Norte kahapon, Hunyo 9.
Ayon sa mga awtoridad, natuklasan ang oil spill sa humigit-kumulang 15 metrong bahagi ng dalampasigan malapit sa lugar kung saan sumadsad ang LCT MSCI 1.
Kasunod ng pagkakadiskubre sa tumagas na langis, agad na naglatag ng oil spill booms ang mga responder upang mapigilan ang pagkalat nito sa karagatan.
Nagdeploy din sila ng absorbent pads at absorbent booms upang masipsip ang langis at masimulan ang paglilinis sa apektadong lugar.
Bukod dito, kinolekta rin ang mga nagamit na absorbent materials at inilagay sa mga drum para sa wastong disposisyon at maiwasan ang karagdagang kontaminasyon sa kapaligiran.
Patuloy namang minomonitor ng PCG at mga katuwang na ahensya ang lugar upang matiyak na makokontrol ang pagtagas ng langis at hindi ito makaaapekto sa mas malaking bahagi ng baybayin at yamang-dagat sa Ilocos Norte.
Nauna nang kinumpirma ng mga awtoridad ang pagtagas ng langis mula sa sumadsad na LCT MSCI 1, habang ligtas namang nailikas ang lahat ng 15 tripulante ng barko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










