Friday, September 11, 2026

Bar review coach na nagpakalat ng maling impormasyon noong 2023 Bar Exams, hinatulan ng indirect contempt ng Korte Suprema

Pinatawan ng parusa ng Korte Suprema ang isang bar review coach dahil sa pagpapakalat umano ng maling impormasyon noong 2023 Bar Examinations.

Sa desisyon ng SC, pinagmulta ng P30,000 si Edgar Dizon dahil sa indirect contempt at pinatanggal din ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga pumasa sa 2016 Bar Exams.

Nag-ugat ito sa post niya sa social media na nagsabing gagamit ng artificial intelligence o AI sa checking ng mga sagot sa 2023 Bar exams.

Sinabi ng Kataas-taasang Hukuman na nagdulot ito ng pagkabahala at kalituhan sa mga Bar examinees lalo’t malapit na noon ang pagsusulit.

Hindi naman inalis ni Dizon ang naturang post at sa halip ay nagbanta pang magsasampa ng kaso laban sa Korte Suprema at humingi ng public apology.

Bukod sa indirect contempt, sinabi rin ng SC na nagsagawa si Dizon ng unauthorized practice of law sa pamamagitan ng Bar review coaching at paggawa ng mga review materials kahit hindi naman siya nanumpa bilang abogado dahil mayroon itong pending na kasong kriminal.

Dahil dito, muli rin siyang binalaan ng Supreme Court na huwag makibahagi sa hindi awtorisadong practice of law.

Facebook Comments