Friday, September 11, 2026

Mga umano’y pre-shaded na mga balota na gagamitin sa BARMM elections sa Lunes, pinabulaanan ng Comelec

Pinabulaanan ng Commission on Elections (Comelec) ang kumakalat sa social media na nagsabing pre-shaded na ang mga balota na gagamitin sa unang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections.

Ayon sa Comelec, fake news ang naturang post mula sa isang nangngangalang “Mapag Matyag”.

Nakasaad kasi na may mga balota na umanong shaded na ng mga kawani ng munisipyo o ng mga guro bago pa man ang halalan sa Lunes, September 14.

Paglilinaw ng poll body, nakatabi sa mga Office of the Municipal o City Treasurer sa BARMM ang mga gagamiting balota na vacuum-sealed at bubuksan lamang sa mismong araw ng eleksiyon.

Kaugnay nito, nanawagan ang COMELEC na agad mag-report sa Command Center sa Alnor Hotel and Convention Center sa Cotabato City sakaling mag makitang mga isyu sa mga idineliver na balota.

Samantala, pinawi rin ng poll body ang pangamba ng publiko kaugnay sa umano’y posibleng power outage o pagkawala ng kuryente sa BARMM.

Ang bawat Automated Counting Machine anila ay may baterya na kayang paganahin ito sa loob ng mahigit 14 na oras.

Facebook Comments