BARIL AT MGA BALA, NASAMSAM SA ISANG OPERASYON SA DAGUPAN CITY

Isang kalibre .38 na revolver at apat na bala ang nasamsam ng mga pulis sa pagpapatupad ng search warrant sa isang bahay sa Dagupan City noong Setyembre 23.

Ayon sa kapulisan, bandang alas-5 ng madaling-araw nang isagawa ng mga tauhan ng Police Station 1 at City Intelligence Unit (CIU) ang operasyon para sa paglabag umano sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Target ng search warrant ang isang 44-anyos na fish porter at residente ng Dagupan City, ngunit wala ito sa bahay nang isagawa ang paghahalughog.

Narekober sa loob ng naturang bahay ang isang caliber .38 Protector revolver na may apat na live ammunition sa silindro nito.

Isinagawa ang paghahalughog sa presensya ng mga opisyal ng barangay bilang mga saksi sa operasyon.

Ayon sa pulisya, tinutunton parin ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso sa ilalim ng RA 10591.

Samantala, isinailalim na sa police custody ang mga nakumpiskang baril at bala para sa dokumentasyon at karagdagang legal na proseso. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments