Arestado ang dalawang hinihinalang street-level drug individual sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operations ng Dagupan City Police Office madaling-araw nitong Oktubre 19.
Isinagawa ang unang operasyon dakong 1:35 ng madaling araw ng Police Station 1, na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang 41-anyos na construction worker at tricycle driver na residente ng Dagupan City.
Nasamsam sa suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 1.5 grams at nagkakahalaga ng ₱10,500, kasama ang cellphone at perang ginamit sa operasyon.
Samantala, dakong 3:00 ng madaling-araw, nagsagawa naman ng ikalawang buy-bust operation ang Police Station 2, kung saan naaresto ang isang 30-anyos na construction worker na residente ng Calasiao, Pangasinan.
Nakumpiska sa ikalawang operasyon ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 1 gram at tinatayang halagang ₱6,800, kasama ang perang ginamit sa transaksiyon.
Sa kabuuan, umabot sa ₱17,300 ang halaga ng nakumpiskang hinihinalang shabu mula sa dalawang operasyon.
Ayon sa pulisya, dinala ang mga suspek sa Region 1 Medical Center para sa medical examination at kasalukuyang nasa kustodiya ng Dagupan City Police Office.
Inihahanda na rin ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 laban sa kanila.
Patuloy namang isinusulong ng Dagupan City Police ang kampanya laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











