Hindi pa agad naipatupad ng ilang pampasaherong jeepney sa Pangasinan ang bagong pasahe kasunod ng nationwide fare increase na naging epektibo noong Setyembre 28, 2026.

Kabilang dito ang mga bumibyahe sa rutang San Fabian-Dagupan, gaya ni Mang Felix, na patuloy munang naniningil ng dating pasahe habang hinihintay ang updated fare guide o fare tariff.

Samantala, may ilang jeepney naman sa ibang ruta, kabilang ang Calasiao-Dagupan, na nagsimula nang maningil ng bagong pasahe.

Sa ilalim ng bagong fare rates, ₱14 na ang minimum fare sa traditional jeepney para sa unang apat na kilometro, mula sa dating ₱13, habang ₱2 ang dagdag sa bawat susunod na kilometro.

Para naman sa modern jeepney, ₱17 na ang minimum fare mula ₱15, habang ₱2.40 ang singil sa bawat succeeding kilometer.

Dahil sa panibagong dagdag-singil, ramdam na rin ng mga komyuter ang adjustment sa kanilang araw-araw na pamasahe, partikular ang mga estudyanteng bumibiyahe patungong Dagupan.

May ilang komyuter naman na nagsabing nauunawaan nila ang dagdag-pasahe dahil makatutulong ito sa mga tsuper sa gitna ng kanilang gastusin sa operasyon.

Samantala, patuloy namang mino-monitor ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang pagpapatupad ng bagong fare rates.

Ayon kay Acting LTFRB Chairman Greg G. Pua Jr., may ilang driver pa ring nag-aatubiling maningil ng dagdag-pasahe dahil wala pa silang hawak na fare matrix.

Nilinaw naman ng LTFRB na sapat muna ang temporary fare guide upang maipatupad ang bagong pasahe.

Ang temporary fare guide na maaaring i-download mula sa website ng LTFRB ay valid hanggang December 31, 2026.

Pagsapit ng January 1, 2027, kinakailangan nang kumuha at magpakita ang mga operator ng opisyal na fare guide o matrix na inilabas ng LTFRB. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments