SUPLAY NG TUBIG SA BOLINAO, APEKTADO DAHIL SA EL NIÑO; DEEP WELL KADA BARANGAY, ILULUNSAD

Nagpatupad ng agarang hakbang ang lokal na pamahalaan ng Bolinao upang tugunan ang patuloy na nararanasang kakulangan sa suplay ng tubig sa bayan, kasunod ng epekto ng matinding tagtuyot na dulot ng El Niño.

Sa inilabas na opisyal na pahayag, humingi ng paumanhin ang lokal na pamahalaan sa mga residente dahil sa madalas na pagkaantala ng suplay ng tubig sa ilang barangay. Ayon dito, ang pagbaba ng lebel ng mga pinagkukunan ng tubig ang pangunahing dahilan ng limitadong distribusyon.

Bilang pangmatagalang solusyon, inilunsad ang programang “Isang Deep Well sa Bawat Barangay,” na layuning maglagay ng sariling water system sa bawat komunidad, kabilang ang mga malalayong sitio, upang matiyak ang sapat na suplay lalo na tuwing tagtuyot.

Nagsimula na ring magsilbing pilot area ang Brgy. Dewey, habang nakapag-acquire na ang lokal na pamahalaan ng water well drilling rig upang mapabilis ang pagpapatayo ng mga pasilidad sa iba pang lugar.

Aminado ang LGU na mangangailangan pa ng panahon at maayos na plano ang buong implementasyon ng proyekto, ngunit tiniyak nitong prayoridad ang pagresolba sa problema sa tubig.

Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan ng pang-unawa mula sa publiko habang isinasagawa ang mga hakbang para sa mas matatag at pangmatagalang solusyon sa krisis sa tubig sa bayan | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments