
Labis na ikinabahala ng Department of Education (DepEd) ang napaulat na shooting incident sa Ateneo de Zamboanga Grade School, isang private school sa Zamboanga City.
Sa ulat ng Police Regional Office 9 (PRO9), isang shooting incident ang naganap sa naturang paaralan at nabaril ang dalawang estudyante dakong alas-7:50 ng umaga.
Ayon sa DepEd, nakaalalay sila sa Ateneo de Zamboanga community kasunod ng insidente at tiniyak na magpapaabot ng anumang suporta sa mga apektadong learners, pamilya at school personnel, at concerned authorities.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Education Department sa kanilang mental health partners para makapagbigay ng Psychological First Aid at psychosocial support sa mga apektadong pamilya.
Hinikayat naman nila ang publiko na iwasang magpakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon at iwasan din ang pagse-share o pamamahagi ng mga sensitibong larawan, video o detalye kaugnay ng insidente, lalo na’t mga menor de edad ang sangkot.










