BFAR REGION 1, PINALAKAS ANG OPERASYON LABAN SA ILEGAL NA PANGINGISDA

Pinaiigting ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 1 ang pagbabantay sa karagatan at mga pamilihan bilang bahagi ng kampanya kontra ilegal na pangingisda sa rehiyon.

Sa pamamagitan ng Enforcement Regional Monitoring, Control and Surveillance Operating Center (ERMCSOC), nagsasagawa ang ahensya ng seaborne patrol operations kung saan iniinspeksyon ang mga commercial fishing vessel at motorized boats na may 3 gross tons pataas. Tinitiyak sa operasyon ang pagsunod ng mga mangingisda sa tamang permit, lisensya, at paggamit ng legal na kagamitan sa pangingisda.

Kasabay nito, aktibo rin ang BFAR sa land-based operations gaya ng market denial at landing denial activities katuwang ang Philippine National Police Maritime Group at mga lokal na pamahalaan. Layunin nito na matukoy at mapigilan ang bentahan ng isdang maaaring nahuli sa ilegal na paraan, kabilang ang dynamite fishing.

Sa mga isinagawang operasyon sa mga lalawigan ng La Union at Ilocos Norte, ilang pampublikong pamilihan at landing sites ang isinailalim sa inspeksyon, at wala namang naitalang paglabag o presensya ng ilegal na huli.

Ayon sa BFAR, patuloy ang mga hakbang na ito upang mapalakas ang pagpapatupad ng batas sa pangisdaan at masugpo ang illegal, unreported, and unregulated (IUU) fishing, alinsunod sa Republic Act No. 8550 na sinususugan ng Republic Act No. 10654. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments