Wednesday, June 17, 2026

Filipino citizenship nina Bennie Boatwright at Matthew James Ramos, aprubado na sa Senado

Inaprubahan na sa Senado ang Filipino citizenship ng basketball player na si Bennie Boatwright at wrestler na si Matthew James Ramos.

Sa special session sa Senado ay tuluyan na ring pinagtibay sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 6639 para sa naturalization ni Boatwright at House Bill 6644 para sa naturalization naman ni Ramos sa botong 13 na pabor at wala namang tumutol at wala ring nagabstain.

Ikinunsidera ng mga senador na aprubahan na ang citizenship nina Boatwright at Ramos kahit wala ngayon ang mga ito sa Senado.

Sinabi ni Senate Majority Leader Migz Zubiri na nararapat na ibigay na ang citizenship dahil sa huling tatlong araw bago ang sine-die adjournment ay araw-araw na present ang dalawa at ngayon naman ay nagsasanay na ang mga ito.

Kinilala naman ni Senate President Win Gatchalian ang pagiging present ng dalawang atleta bago magtapos ang sesyon at hindi naman nila kasalanan kung nabinbin ang kanilang citizenship.

Dagdag naman ni Senator Kiko Pangilinan, iimbitahan na lamang muli sina Boatwright at Ramos sa pagbabalik ng sesyon pagkatapos ng SONA ng Pangulo sa Hulyo 27.

Facebook Comments