Thursday, August 13, 2026

20 indibidwal na sangkot sa iba’t ibang computer-related fraud sa Pasay City, inaresto ng NBI

Arestado ang 18 Pinoy at dalawang banyaga dahil sa computer-related fraud sa Pasay City.

Ayon sa National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI-SAU), naaresto ang mga suspek matapos isilbi ang Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECDs) kasunod ng surveillance activities at imbestigasyon laban sa umano’y organized online fraud syndicate na sangkot sa love scams, cryptocurrency investment fraud at “pig butchering” schemes.

Nakuha sa operasyon ang iba’t ibang digital devices at nadiskubre ang operational setup gaya ng call center.

Mayroon itong computer workstations, laptops, mobile phones, internet routers, at iba pang electronic equipment.

Base sa preliminary forensic examination, tumambad ang digital files na naglalaman ng pre-written scripts na nakadisenyo para magkaroon ng relasyon sa mga bibiktimahin, makuha ang kanilang tiwala at makakuha ng personal at financial information.

Dito nila hihikayatin ang mga biktima na maglagak ng pera sa cryptocurrency platforms.

Base sa imbestigasyon, paulit-ulit na hinihimok ang mga biktima na magpadala ng karagdagang pondo sa kanilang cryptocurrency wallets.

Ang modus na ito ay tinatawag na “pig butchering,” dahil sa paghimok sa mga biktima na maglagak nang mas malaking halaga sa cryptocurrency platforms.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Facebook Comments