Wednesday, July 22, 2026

DALAWANG SUSPEK TIMBOG SA MAGKAKAHIWALAY NA DRUG BUY-BUST PANGASINAN; HALOS ₱67K HALAGA NG SHABU, NASAMSAM

Dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operations sa Lingayen at Calasiao, kung saan nakumpiska ang kabuuang 9.85 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang Standard Drug Price (SDP) na ₱66,980.

Sa Lingayen, nadakip ang isang 28-anyos na laborer matapos maaktuhan umano sa bentahan ng ilegal na droga. Narekober mula sa kanya ang 7.5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱51,000, isang improvised caliber .38 revolver, isang live ammunition, at buy-bust money.

Samantala, sa Calasiao, isang 28-anyos na babae na walang trabaho ang naaresto rin sa hiwalay na operasyon. Nasamsam sa kanyang posesyon ang 2.35 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang ₱15,980, kasama ang buy-bust money na ginamit ng mga operatiba.

Ang dalawang operasyon ay isinagawa ng kani-kanilang municipal police stations sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1 (PDEA RO1).

Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang karagdagang kakasuhan ang suspek sa Lingayen sa ilalim ng Republic Act No. 10591 dahil sa pagkakaarekober ng improvised na baril at bala. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments