
Nagsagawa ng indignation rally ang mga miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa harap ng Korte Suprema sa Padre Faura Street, Maynila.
Ito’y para ipanawagan sa Korte Suprema na agarang resolbahin ang mga nakabinbing kaso kaugnay kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang ang mga petisyon para sa habeas corpus.
Ayon kay Atty. Ferdie Topacio, tagapagsalita ng PDP-Laban, hiling nila sa Korte Suprema na maglabas na ng desisyon lalo na’t ang Kataas-taasang Hukuman ang siyang dapat nakakasakop sa kaso ng dating pangulo.
Bukod dito, panawagan rin ng kanilang grupo na resolbahin na rin ang nakabinbin petisyon nila hinggil naman sa kaso ni Sen. Bato dela Rosa.
Sinabi pa ni Atty. Topacio na hindi siya ang tumatayong abugado ni Sen. Dela Rosa pero bilang miyembro ng partido ang senador, kanilang iginigiit na desisyunan sana ng Korte Suprema ang petisyon hinggil sa isyu sa warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Hiling rin ni Atty. Topacio sa publiko ang suporta at panalangin para maresolba na ang mga isyu na kinakaharap ng bansa.










