Tuesday, November 3, 2026

Senado at Kamara, magpupulong para pag-usapan ang mga napunang red flags sa 2027 General Appropriations Bill

Magpupulong ang Senado at Kamara ukol sa P7.2 trilyong 2027 national budget.

Ayon kay Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito, ang pulong ay isasagawa matapos mapuna ng mga senador at mga civil society organization ang pagtapyas ng Kamara sa panukalang budget para sa mga foreign-assisted projects tulad ng mga railway projects, habang nasita rin ang pagsisingit ng mga kongresista ng halos pitong libong infrastructure projects sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Agriculture (DA), at pinalakihan pa ang tinaguriang medical pork barrel na Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP).

Sinabi ni Ejercito na ipapaliwanag nila sa mga kongresista na mayroong non-negotiable at dapat mahigpit na patakaran sa mga proyekto, gaya na lamang na hindi nila pagpayag na tapyasan ng Kamara ang P130 bilyong alokasyon para sa foreign-assisted projects na mga proyektong pinangutang sa dayuhang gobyerno at foreign lending institutions.

Aniya, ang mga railway projects ay para sa pag-unlad ng bansa at ito ang commitment o ipinangako ng pamahalaan.

Idiniin din ni Ejercito na hindi papayag ang Senado sa mga nakalista at isiningit na infrastructure projects na walang proper documentation, kaya ngayon din ang deadline ng DPWH para kumpletuhin ang mga dokumento ng mga proyekto nito.

Matatandaang sa pagdinig ng budget sa Mataas na Kapulungan ay tinukoy ng People’s Budget Coalition na may higit P1 trilyong red-flag projects ang maituturing na soft, hard o shadow pork barrel sa ilalim ng 2027 General Appropriations Bill na ipinasa ng Kamara.

Kabilang dito ang idinagdag ng Kamara na halos 7,000 infrastructure projects na aabot ng P190 bilyon na nasa listahan ng proyekto ng DPWH na pinangangambahang maging bagong anyo ng maanomalyang proyekto.

Facebook Comments