HEPE NG STA. ANA POLICE STATION, SUGATAN MATAPOS BANGGAIN NG VAN ANG KANYANG SASAKYAN

Cauayan City – Sugatan ang hepe ng Sta. Ana Police Station na si Police Major Ronolfo Gabatin matapos na masangkot sa isang aksidentesa kahabaan ng National Highway sa Sitio Limbus, Brgy. Rapuli, Sta. Ana, Cagayan bandang alas kwatro ng hapon ngayong unang araw ng Abril.

Ayon sa ulat, binabaybay ng sasakyan ng hepe ang daan patungo sa direksyon ng Brgy. Diora-Zinungan kung saan nasa unaahan nito ang isang van.

Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, binusinahan umano ng hepe ang van at nag-signal upang mag-overtake dahil mabagal ang takbo ng van.

Nang makalampas na sa van at akmang babalik na sana sa dating linya ang hepe, bigla na lamang binilisan ng van ang takbo nito dahilan upang mabangga nito ang likurang bahagi ng sasakyan ng hepe.

Bilang resulta, nawalan ng kontrol sa manibela si PMAJ Gabatin dahilan upang bumaliktad ito.

Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng malalang sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang hepe at naipit pa sa sasakyan nito, subali’t nagtulong-tulong ang ilang kapulisan at mga residente upang mailabas ito sa kanyang sasakyan at madala sa pagamutan.

Samantala, kaagad ring naaresto ang tsuper ng Van na ngayon ay nasa kustodiya na ng Sta. Ana PS kasama ang sangkot na sasakyan.

Facebook Comments