BINATANG NASANGKOT SASELF-ACCIDENT NA IKINAMATAY NG ISANG ENTERTAINER, IKINASUGAT NG 4 IBA PA,NAKASUHAN NA

Cauayan City, Isabela- Kinasuhan na ngayong araw sa pamamagitan ng inquest proceedings ang 22 anyos na lalaki makaraang sumalpok sa concrete barrier ang minamanehong kolong-kolong sa kahabaan ng barangay Nagrumbuan, Cauayan City na ikinamatay ng isang sakay na entertainer at ikinasugat ng apat na iba.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan sa PNP Cauayan, isinampa kaninang umaga ang mga kasong Reckless Imprudence Resulting (RIR) to Homicide at RIR to Multiple Physical Injuries sa suspek na kinilalang si Romnick Cuntapay, binata, nagpapastol ng itik at residende ng P-3 Brgy. Minante Uno, Cauayan City.

Ang mga biktima na sakay ng kolong-kolong ay nakilalang sina Angelica, 21 anyos, Apple, 28 anyos, Jhoren, 21, Mariel, 21, pawang nagtatrabaho sa bahay aliwan at isang kinse anyos na lalaki.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, mag alas dose ng madaling araw nitong Sabado nang mangyari ang insidente partikular sa kahabaan ng Brgy. Nagrumbuan.

Sa naging panayam ng iFM Cauayan sa suspek, ihahatid sana aniya nito ang mga biktima sa Cauayan City Airport matapos ang kanilang inuman at habang sila ay bumabaybay sa kalsada ay hindi umano nito napansin ang pakurbang bahagi ng daan kung kaya’y bumangga ang minamaneho nitong kolong-kolong sa concrete barrier ng shoulder lane at sila ay tumilapon sa palayan.

Rumesponde naman ang mga tauhan ng Rescue 922 Cauayan at dinala sa iba’t-ibang pagamutan sa Lungsod ang mga biktima para sa kaukulang lunas subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician ang biktimang si Mariel Vista.

Ayon sa suspek, madilim umano doon sa bahaging iyon ng kalsada at wala rin headlight ang kanilang sinakyang kolong-kolong na pagmamay-ari ng kanyang Boss kaya hindi umano nito nakita ang pakurbang bahagi ng daan at bahagyang mabilis rin ang kanyang patakbo.

Maswerte namang walang natamong malalang sugat sa katawan ang suspek pero aminado naman ito na siya ay nakainom ng alak nang ihatid nito ang mga nasabing entertainer.

Labis rin ang pagsisisi ng suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP dahil sa ginawa nitong pagmamaneho na nakainom ng alak at buo naman aniya ang kanyang loob na tanggapin nalang kung ano ang ipinataw na kaso sa kanya.

Facebook Comments