Sa liham na may petsang Hulyo 23, 2026, ipinadala ni Mayor Pedro A. Merrera III kay DSWD Secretary Rexlon T. Gatchalian, sinabi ng lokal na pamahalaan na layunin nitong palakasin ang koordinasyon sa pagitan ng DSWD at LGU at matiyak na ang ayuda ay mapupunta sa mga tunay na kwalipikadong benepisyaryo.
Ayon sa liham, hindi umano nabigyan ng kopya ang tanggapan ng alkalde ng paunang listahan ng mga benepisyaryo, hindi rin hiniling ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) na magsagawa ng validation. Sinabi rin ng LGU na hindi pormal na nakonsulta ang mga punong barangay at hindi naipaliwanag ang metodolohiya at validation process na ginamit sa pagpili.
Humiling din ang lokal na pamahalaan ng mga dokumento tulad ng beneficiary list, assessment reports, validation reports, at iba pang records kaugnay ng pagpili ng mga benepisyaryo.
Kasunod ng liham, bumisita sa Binmaley si DSWD Field Office I Regional Director Marie Angela S. Gopalan upang makipagpulong kay Mayor Merrera.
Sa pulong, tinalakay ang kahalagahan ng malinaw na koordinasyon, wastong beripikasyon ng mga benepisyaryo, at patuloy na pagtutulungan ng DSWD at LGU upang matiyak na ang tulong ng pamahalaan ay mapupunta sa mga kwalipikadong pamilya.
Sa ngayon, nangako naman ang DSWD Regional Office 1 na tutukan ang mga katanungan na nakasaad sa liham ng LGU Binmaley. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








