Isinagawa ang Soft Opening ng Hardin Nights sa Barangay Pantal isang inisyatiba na naglalayong palakasin ang lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga food vendors, lokal na negosyante, at mga nagnanais magsimula ng sariling kabuhayan.
Gaganapin ang Hardin Nights tuwing Biyernes at Sabado, mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-11:00 ng gabi. Inaasahang magiging tampok dito ang iba’t ibang pagkain, lokal na produkto, at iba pang negosyo na magbibigay ng masiglang karanasan sa mga mamimili at mga bisita.
Hinihikayat ng Barangay Pantal ang lahat ng mga interesadong vendor na nais maging bahagi ng programa na magtungo sa Barangay Hall para sa registration at iba pang impormasyon kaugnay ng pagkuha ng puwesto.
Kasabay ng pagbubukas ng Hardin Nights, ipinaalam din sa publiko na magkakaroon ng half-lane road closure sa harap ng PLDT tuwing Biyernes at Sabado, mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-11:00 ng gabi, upang matiyak ang maayos at ligtas na pagdaraos ng aktibidad. Pinapayuhan ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho, sundin ang mga traffic personnel, at makiisa sa ipatutupad na daloy ng trapiko.
Ayon sa pamunuan ng Barangay Pantal, layunin ng Hardin Nights na higit pang mapasigla ang komunidad sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga lokal na negosyante at pagbibigay ng karagdagang oportunidad sa kabuhayan ng mga residente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










