
Binigyang diin ni House Prosecution panel spokesman at impeachment trial adviser Robert Ace Barbers na nananatili ang halaga bilang ebidensya ng selyadong kahon mula sa Bureau of Internal Revenue o BIR.
Sinabi ito ni Barbers makaraang magpasya ang Senate Impeachment Court na ibalik sa BIR ang nabanggit na kahon na naglalaman ng tax record ni Vice President Sara Duterte at mister na si Atty. Manases Carpio.
Ayon kay Barbers, sa tamang panahon ay muling isusulong ng Prosekusyon na mabuksan at gamiting ebidensya ang BIR box sa alegasyong may hindi maipaliwanag na yaman si VP Sara na hindi idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth.
Umaasa si Barbers na kapag dumating ang nabanggit na pagkakataon ay tatanggapin na ito ng Senate Impeachment court bilang ebidensya.










