
Naglabas ng pahayag ng pag-apela kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang ilang mga kongresista para ito ay manindigan laban sa pagiging agresibo at arogante ng China at patalsikin si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan.
Kabilang sa nabanggit na mga mambabatas sina Representatives Zia Alonto Adiong, Kaka Bag-ao, Perci Cendaña, Leila De Lima, Chel Diokno, Dadah Kiram Ismula, Krisel Lagman, Karl Fernandez Legazpi at Anthony Santos.
Diin nila, hindi na dapat pinapatuloy sa ating bansa ang isang foreign envoy na ang mga pahayag at asal ay nagpapakita ng pagwalang-bahala sa ating soberenya.
Nakakabahala para sa nabanggit na mga kongresista ang sinabi ni Jing na madali para sa China ang magwagi sakaling gumamit ito ng pwersa laban sa Pilipinas.
Giit ng mga kongresista, ang ganitong mensahe ay nagpapakita ng pattern ng paninindak, pagiging agresibo at kawalan ng respeto na matagal na nating nararanasan mula sa China.
Ayon sa mga mambabatas, hindi rin nakatulong ang hamon ng Chinese Embassy na ating ideklarang persona non grata si Jing dahil ito ay sumasalamin sa kanilang kagustuan na tanggapin na lang natin anuman ang kanilang mga pagbabanta at demands.










