
Dalawang reklamong kriminal ang isinampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) laban sa mga taxpayer na umano’y hindi nagbayad ng buwis na umaabot sa mahigit ₱45 milyong.
Kabilang sa mga inireklamo ang Interserve Management and Manpower Resources Incorporated at mga responsableng opisyal nito dahil sa mahigit ₱33 milyong hindi nabayarang income tax at value-added tax noong 2017.
Nahaharap din sa reklamo ang may-ari ng V.A.T. Coconut Dealer dahil sa halos ₱12 milyong pagkakautang sa buwis noong 2018.
Ayon sa BIR, nanatiling hindi nabayaran ang mga buwis sa kabila ng mga abiso at demand na ipinadala sa mga taxpayer.
Babala ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, mananagot sa batas ang mga sadyang umiiwas sa pagbabayad ng tamang buwis.
Mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon, umabot na sa 361 kaso ang isinampa ng BIR laban sa mga pinaghihinalaang tax evader na may kabuuang mahigit ₱35 bilyong tax liabilities.










