
Ipinagtanggol ng Malacañang ang pagkakatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kay Zofia Canlas bilang commissioner ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), sa kabila ng mga batikos sa kaniyang kwalipikasyon at lifestyle.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, dati nang nagsilbing chief of staff ni PCUP Chairperson Michelle Ann Gonzales si Canlas kaya may karanasan na ito sa ahensiya.
Binigyang-diin ni Castro na kakayahan at dedikasyon sa paglilingkod sa bayan, anuman ang katayuan sa buhay, ang pangunahing batayan ng pangulo sa pagpili ng mga opisyal ng gobyerno.
Nilinaw din ng Palasyo na hindi kailangang maging abogado upang gampanan ang tungkulin ng PCUP na makipagnegosasyon para sa mga pamilyang informal settler na posibleng maapektuhan ng demolisyon at relokasyon.
Kinuwestiyon ang appointment ni Canlas, na nagtapos ng kursong Biology sa De La Salle University nito lamang 2024.
Umani rin ng puna ang mga larawan nito sa social media na nagpapakita ng kaniyang mga paglalakbay sa Europe at United States.










