Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maaaring managot sa batas ang mga indibidwal na nanlalait o nangungutya sa mga person with disability o PWD, maging sa social media.

Kasunod ito ng kontrobersiya sa Machong Chismisan podcast matapos pagtawanan ng mga host ang anak ni Kris Aquino na si Josh Aquino.

Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, hindi katanggap-tanggap na gawing katatawanan o gamitin para makahakot ng online engagement ang kondisyon ng isang tao, kabilang ang mga nasa autism spectrum.

Sa ilalim ng Republic Act 7277 o Magna Carta for Persons with Disabilities, na inamyendahan ng Republic Act 9442, ipinagbabawal ang pangungutya at panghahamak sa mga PWD.

Sa unang paglabag, maaaring mapatawan ng multang ₱50,000 hanggang ₱100,000, pagkakakulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon, o parehong parusa.

Samantala, tinanggal na ang kontrobersiyal na podcast episode at humingi na rin ng paumanhin ang mga host.

Pinaalalahanan din ng DSWD ang mga content creator na maging responsable at igalang ang dignidad at karapatan ng mga taong may kapansanan.

Facebook Comments