Tuesday, October 20, 2026

Resolusyong humihikayat kay PBBM na palayasin na ng bansa si Chinese Ambassador Jing Quan, isinusulong sa Senado

Inihain ni Senator Risa Hontiveros ang resolusyon na humihikayat kay Pangulong Bongbong Marcos na palayasin na ng bansa si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan.

Isinusulong ni Hontiveros sa Senate Resolution 746 na himukin ng Senado si Pangulong Marcos na ideklarang persona non grata sa Pilipinas si Quan at hilingin sa gobyerno ng China ang pag-recall o pagpapaalis sa ambassador sa kaniyang pwesto.

Nakasaad sa resolusyon na itinuturing na banta ng ambassador ang sinabi niyang madaling mananalo ang China laban sa Pilipinas kung gagamit sila ng pwersa.

Tinukoy sa resolusyon na mismong si Pangulong Marcos ang naghayag na ang dating mga sinabi ni Quan laban sa bansa ay isang threat o banta habang si Defense Secretary Gilberto Teodoro ay sinabi namang tinatakot tayo ng ambassador.

Isinaad din sa resolusyon ang panghahamon pa sa mga mambabatas na totohanin ang pagdedeklarang persona non grata kay Quan at ang banta rin na pagbabawalang pumasok ng China ang mga opisyal ng pamahalaan kapag itinuloy ang persona non grata sa ambassador.

Bagama’t sinabi na ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na walang plano ang pangulo na ideklara si Ambassador Jing na persona non grata sa ngayon, tiniyak naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang paggawa ng diplomatic action kung kakailanganin.

Facebook Comments