Thursday, May 7, 2026

Blue Ribbon Committee, bukas para sa pagdepensa ng tatlong senador na dawit sa maanomalyang flood control projects

Bukas pa rin ang Senate Blue Ribbon Committee (BRC) para sa panig nina Senators Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, at Chiz Escudero.

Ang tatlong senador ay kasama sa inirerekomenda ng BRC sa mas malalim na imbestigasyon para sa posibleng pagsasampa ng kasong katiwalian matapos maugnay ang mga ito sa maanomalyang flood control projects.

Sinabi ni Senate President pro-tempore Ping Lacson na pwede pa ring magbigay ng kanilang paliwanag ang tatlo para malinis ang pangalan.

Handa si Lacson na tanggalin ang pangalan ng tatlong kasamahan sa rekomendasyon kung makukumbinsi siyang inosente sila sa mga anomalya.

Dagdag ni Lacson, hindi pa naman final ang partial committee report dahil maski ang Ombudsman ay wala ring nakitang direct link gaya kay Estrada sa P355 million na ghost flood control projects.

Hindi naman masisisi ni Lacson kung magkatampuhan sa pagitan ng mga kasamahan dahil mayroon siyang tungkulin na dapat gampanan at kung puro pakikisama na lang ang uunahin ay huwag na lamang silang magsagawa ng pagdinig.

Facebook Comments