BRGY. SAN LUIS, INILATAG ANG MGA PROYEKTO NGAYONG TAON

Cauayan City – Inilatag ng Barangay San Luis ang mga nakahanay na proyekto ngayong taon upang higit pang mapaunlad at maayos ang kanilang komunidad.

Sa panayam ng iFM News Team kay Brgy. Captain Raymond Calimag, kabilang sa mga pangunahing proyekto ngayong taon ay ang pagsesemento ng mga malubak at mabatong kalsada sa barangay kung saan sa kasalukuyan, 30% na lamang ng mga kalsada ang hindi pa nasesementohan.

Bukod dito, kasalukuyan ding isinusulong ng kanilang pamunuan sa Department of Agriculture ang 1.5-kilometrong farm-to-market road na may pondong mahigit ₱15 milyon upang mapadali ang pagbiyahe ng mga produkto ng mga magsasaka.


Dagdag pa ni Kapitan Calimag, maglalaan din ang Lokal na Pamahalaan ng Cauayan ng ₱2.2 milyon para sa pagpapatayo ng Child Development Center, na layong mapabuti ang serbisyong pang-edukasyon sa barangay.

Samantala, inaasahan namang masisimulan sa lalong madaling panahon ang mga nakatakdang proyekto upang agad itong mapakinabangan ng mga residente.

Facebook Comments