Saturday, September 12, 2026

BSP, pinagsusumite ng report sa resulta ng batas kontra scam

Inatasan ni Senator Mark Villar ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magsumite ng report tungkol sa resulta ng implementasyon ng Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) laban sa mga online scams.

Sa budget hearing ay hiningi ni Villar, Chairman ng Senate Committee on Banks at mayakda ng batas, sa BSP ang datos ng mga nahuli at napanagot na scammers.

Sinabi naman ni BSP General Counsel Roberto Figueroa na malaki ang naitulong ng batas para mapalakas ang kakayahan ng BSP na sugpuin ang scams at fraud.

Patunay dito ang naitala ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) noong 2025 na 527 kasong naresolba dahil sa AFASA at naitala rin ang pagbaba ng mga insidente ng online scam sa unang kalahati ng 2026.

Tiwala naman si Villar na dahil sa positibong resulta ng batas, mas mapapalakas ang imbestigasyon at paghahain ng kaso laban sa mga scammers at posible ring mabawi ang perang nawala sa mga biktima.

Facebook Comments