Saturday, September 12, 2026

DOH, dapat maglatag ng malinaw na patakaran hinggil sa professional fee ng mga doktor na saklaw ng MAIFIP program

Pinaglalatag ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang Department of Health (DOH) ng malinaw na patakaran sa halaga ng professional fee ng mga doktor na sasagutin ng gobyerno sa ilalim ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program.

Hiling ito ni Yamsuan sa DOH sa gitna ng mga reklamo sa umano’y pagtataas ng mga doktor ng professional fee kapag nalaman nila ito ay babayaran sa pamamagitan ng MAIFIP.

Bunsod nito ay lalong tumataas ang bayarin sa ospital ng mga benepisaryo ng MAIFIP Program kaya giit ni Yamsuan dapat magkaroon ng mekanismo para hindi malagay sa alanganin ang mga mahihirap na pasyente.

Sa budget hearing ay sinabi naman ni DOH Secretary Edwin Mercado, nagpapatupad na ang DOH ng three-pronged mechanism upang mapigilan ang mga doktor sa ganitong gawain.

Binanggit ni Mercado ang pagpapabilis sa reimbursement ng mga doktor sa Philhealth at ang pagtatag ng Single Source of Truth (SSOT) system o database na kinapapalooban ng rates ng professional fees ng mga doktor.

Ayon kay Mercado, nagsasagawa na rin ang DOH ng konsultasyon sa mga medical specialty societies para sa pagtatakda ng makatwirang progessional fees at insentibo ng mga doktor.

Facebook Comments