
Sa pakipagtutulungan ng Bureau of Correction (BuCor) kasama ang Department of Justice (DOJ) ay nagsagawa ng isang seminar upang talakayin ang pagbabago sa mga Implementing Rules and Regulations ng Good Conduct Time Allowance o GCTA para sa mga persons deprived of liberty o PDL.
Kasunod ito ng ruling ng Korte Suprema na maaaring mag-avail ng GCTA ang kahit na sinong PDLs, sa kahit anong krimen o kasong kinasangkutan nito pagkatapos ng kanilang hatol.
Ani Justice Undersecretary Margarita Gutierrez, na siyang nagbigay ng welcome remark sa naturang seminar, hindi lamang isang polisiya ang GCTA, ito rin daw ay upang magbigay ng pag-asa at pagkakataong mabago ang buhay ng mga PDL.
Dagdag pa niya na bahagi ng pagbibigay ng hustisya ay hindi lamang magbigay ng parusa kundi magpahilom din at magbigay ng pagkakataon sa mga PDL para sa kanilang hinaharap.
Sa bahagi naman ng BuCor, sinabi ni Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na mahalagang maunawaan ng mga PDL ang magiging impact ng GCTA sa kanilang buhay, dahil karapatan ito ng mga PDL.
Kaya mahalagang mabigyan sila ng impormasyon hinggil sa GCTA para sa kanilang rehabilitasyon.