Buffer stock na bigas ng NFA, ilalabas na susunod na linggo

Ilalabas na ng National Food Authority (NFA) ang mga buffer stock nilang bigas kasunod ng naunang deklarasyon ng pamahalaan para sa Food Security Emergency on Rice.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na tinatapos na nila ang mga kinakailangang dokumento mula sa NFA patungong Food Terminal Inc. (FTI), at mga dokumento mula FTI patungong mga lokal na pamahalaan.

Oras na maibaba ito, ang NFA ay maibibenta sa mababang presyo ang bigas sa mga LGU at ahensya ng gobyerno, at mabigyang espasyo ang mga bagong bigas na bibilhin ng gobyerno mula sa mga magsasaka.


Ayon kay Laurel, higit 50 LGUs na ang nagpahayag ng intres na bumili ng bigas sa NFA para maibenta kanilang nasasakupan.

Kabilang dito ang ilang lugar sa National Captial Region o NCR, Regions 4, 5, 6, 7, 9 at 11.

Matatandaang target ng gobyerno na maibenta ang mga bigas ng NFA sa mga consumer sa halagang P35 kada kilo.

Facebook Comments