
Napuna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagsipa ng presyo ng karne ng baboy sa mga palengke na umaabot sa P380 hanggang P400 kada kilo.
Ito ay inihayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel matapos pulungin ni Pangulong Marcos kaugnay sa lagay ng mga suplay at presyo ng mga pagkain sa palengke o food security situation.
Ayon kay Laurel, nagtataka sila kung bakit sumirit nang husto ang presyo ng karne gayong ang farm gate price ng baboy ay nasa P240 hanggang P250 lamang.
Dahil dito, iniimbestigahan ng Department of Agriculture (DA) ang insidenteng at kokunsulta sa mga producer para matukoy kung magkano ba dapat ang presyuhan.
Oras na mapatunayan na may profiteering o pananamantala ay pananagutin nila ang mga nasa likod nito at magpapatupad ng maximum suggested retail price sa karne ng baboy.
Target naman ng pamahalaan na tapusin ang imbestigasyon sa pagsirit ng presyo ng karne ng baboy sa susunod na dalawang linggo o sa pagtatapos ng Pebrero.