Friday, October 16, 2026

Pagbasura ng Ombudsman sa mga reklamo ng mga aktibista laban sa 5 pulis, ikinagalak ng PNP

Ikinagalak ng Philippine National Police (PNP) ang naging desisyon ng Office of the Ombudsman na absweltuhin sa kasong administratibo ang limang pulis kaugnay ng isang operasyon sa Quezon City noong 2021.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., nirerespeto ng PNP ang naging desisyon na ito ng Ombudsman at kinilala ang kahalagahan ng due process sa pagtukoy sa pananagutan.

Ayon kay Nartatez, patuloy na pinahihigpit ng PNP ang pangangasiwa sa mga operasyon sa pamamagitan ng mas mahigpit na superbisyon, mas maayos na dokumentasyon ng mga aksiyon ng pulisya, at tuloy-tuloy na pagsasanay sa karapatang pantao at wastong paghawak ng ebidensya upang maiwasan na mangyari ang katulad na alegasyon sa hanay ng pulisya.

Ang insidente ay nangyari noong July 2021 sa Barangay Pansol, Quezon City matapos maaresto ang dalawang aktibista dahil sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na pagmamay-ari ng mga baril, tangkang pagpatay, at pagpatay.

Pinalaya sila noong 2025 at dito na sila nagsampa ng reklamo laban sa nasabing limang pulis kung saan hiniling nila ang pagtanggal sa serbisyo at pagtigil sa mga benepisyo ng mga ito.

Ngunit binasura rin ng Ombudsman ang mga reklamo dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.

Facebook Comments