Isinagawa ang *Careers on Wheels*, isang one-day recruitment activity para sa mga aspiring seafarers, sa Dagupan City Plaza ngayong araw na naglalayong ilapit ang oportunidad sa mga Dagupeño na nagnanais makapagtrabaho sa industriya ng maritime.
Ang nasabing aktibidad ay hatid ng Crossworld Marine Services, Inc. sa pakikipagtulungan ng Department of Migrant Workers (DMW), Department of Labor and Employment (DOLE), at ng Public Employment Service Office (PESO) ng lungsod sa ilalim ng pamamahala ni PESO Manager Joy Siapno.
Sa pamamagitan ng programa, nagkaroon ng pagkakataon ang mga aplikante na mag-apply para sa iba’t ibang posisyon sa mga cargo at tanker vessels.
Bukod sa recruitment, nagbigay rin ang Crossworld Marine Services, Inc. ng karagdagang serbisyo sa mga pamilya ng aplikante sa pamamagitan ng *Mrs. Mariners Club*, kung saan inihandog ang libreng massage, manicure at pedicure, gayundin ang skills training sa perfume making para sa mga asawa ng mga aplikante.
Ayon sa mga tagapag-organisa, layunin ng programa na mas mapalapit ang mga oportunidad sa trabaho sa mga lokal na residente at mabigyan ng direktang access ang mga Dagupeño sa mga lehitimong employer sa sektor ng maritime.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga opisyal ng lungsod sa Crossworld Marine Services, Inc. sa pagpili sa Dagupan bilang ika-5 lungsod sa Pilipinas na pinagsagawaan ng naturang programa.
Hinikayat ng mga organizer ang mga interesadong aplikante na samantalahin ang pagkakataon, na anila ay isang malaking hakbang patungo sa mas maayos na kinabukasan sa industriya ng dagat. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











