CARWASH BOY, PATAY; ISA SUGATAN SA NANGYARING RAMBULAN SA CAUAYAN CITY

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang carwash boy habang sugatan ang kasama nito matapos ang naganap na rambulan bandang ala una ng kaninang madaling araw sa Rivera Street, Brgy. District 2, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang nasawing biktima na si John Mark Buan, 19 na taong gulang, binata habang ang kasama nito ay nakilalang si Roel Sawit, 18 taong gulang, binata, parehong carwash boy at residente ng Santiago City ngunit kasalukuyang naninirahan sa Rivera St.ng Barangay District 2.

Nakilala naman ang mga suspek na sina Arwin Jay Diciol, Robic Cuntapay, parehong 19 anyos, Jetroval Rivera, 23 anyos, Aloysius Lumauig, 24 anyos, Oliver Carriedo, 20 anyos at John Vincent Calzada, 23 anyos at pawang mga residente ng Lungsod ng Cauayan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, magkasunod na nag order at kumain ng lugaw ang mga biktima at suspek sa isang lugawan sa naturang pinangyarihan ng insidente.

Matapos kumain ng lugaw ang mga biktima ay umalis ang mga ito sa lugar subalit makalipas ang sampung minuto ay bumalik din sa lugawan ang mga biktima kasama ang tatlong iba pa at may dala dalang steel pipe at hawak na mga bato.

Dito na umano naghamon ng away ang mga biktima sa mga suspek na sinunggaban naman ng mga suspek hanggang sa sila’y magkarambulan.

Nagtamo ng sugat sa likod ang biktimang si Sawit habang nasaksak naman sa ibabang bahagi ng dibdib si Buan na agad namang dinala ng rumespondeng kasapi ng Rescue 922 sa pinakamalapit na ospital sa Lungsod ng Cauayan subalit idineklarang dead in arrival (DOA) si Buan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring insidente samantalang nasa kustodiya na ng PNP Cauayan ang mga sangkot na suspek at sila’y mahaharap sa kasong Homicide at Attempted Homicide.

Facebook Comments