Monday, June 22, 2026

CBCP, nanawagan na makiisa sa ikakasang White Ribbon March

Nagpahayag ng suporta ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa ikakasang White Ribbon March sa EDSA People Power Monument sa darating na Linggo, June 28.

Sa liham pastoral na inilabas ni CBCP President at Lipa Archbishop Gilbert Garcera, hinikayat nito ang mga mananampalataya na makiisa sa pagtitipon para ipanawagan ang katotohanan, pananagutan, katarungan at matuwid na pamamahala.

Ayon sa CBCP, nagpapatuloy ang mga hamon ng korapsyon, kawalan ng katarungan at paghina ng tiwala ng publiko sa mga institusyon kaya mahalagang hindi mawalan ng pag-asa ang mamamayan.

Nilinaw naman ng CBCP na ang White Ribbon March ay isang non-partisan na pagkilos at ang paglahok dito ay nakabatay sa konsensya at sitwasyon ng bawat isa.

Kasabay nito, hinikayat din ng CBCP ang mga Katoliko na magpatuloy sa pananalangin para sa kaliwanagan ng isip, pagbabago ng puso at pagbangon ng bansa.

Nanawagan din sila sa mga Katoliko na dumalo sa banal na misa at ipanalangin ang mga lider ng bansa para manaig ang pagkakaisa, katarungan at pag-asa para sa bayan.

Facebook Comments