Magkakaroon ng pansamantalang power interruption sa ilang bayan at lungsod sa Pangasinan sa Sabado, Oktubre 10, 2026, ayon sa abiso ng Central Pangasinan Electric Cooperative, Inc. (CENPELCO).
Ayon sa advisory, may dalawang iskedyul ng pagkawala ng suplay ng kuryente na isasagawa upang bigyang-daan ang mga gawaing teknikal at pagkukumpuni sa mga pasilidad ng kuryente.
Sa unang iskedyul, mawawalan ng kuryente sa buong bayan ng Malasiqui at sa ilang bahagi ng San Carlos City mula 7:00 hanggang 7:30 ng umaga at 2:30 hanggang 3:00 ng hapon.
Kabilang sa mga apektadong lugar sa San Carlos City ang Lilimasan, Longos, Coliling, Casbog, Sapinit, Payapa, Tarectec, Cobol at Anlavo.
Isasagawa sa nasabing iskedyul ang pagbubukas at pagsasara ng air break switch (ABS) na matatagpuan sa Barangay Taloy, Malasiqui.
Samantala, sa ikalawang iskedyul, nakatakda ang power interruption mula 7:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon. Saklaw nito ang buong bayan ng Alcala, Bautista at Basista, gayundin ang Bayambang, maliban sa Ambayat 1st at Ambayat 2nd.
Apektado rin ang buong San Carlos City, maliban sa mga lugar na nakasaad sa unang iskedyul. Kabilang din sa mga maaapektuhan ang ilang bahagi ng Malasiqui, Urbiztondo at Binmaley.
Sa Malasiqui, kabilang sa mga apektadong lugar ang Olea, Gatang, Waig at bahagi ng Nalsian Norte, partikular ang Sitio Baleno.
Sa Urbiztondo naman, kabilang ang Pasibe East, Pasibe West, Bituag, Balangay, Batangcaoa, Duplac at Malaca. Sa Binmaley, apektado ang Pototan.
Isasagawa sa ikalawang iskedyul ang pagtanggal o pagbabago sa pagkakakabit ng mga 69-kilovolt (kV) guy wire sa Barangay Dumpay, Basista, at pagkukumpuni sa tagas ng langis ng 20-megavolt-ampere (MVA) power transformer sa San Carlos City.
Nagpaalala rin ang CENPELCO na posibleng maibalik ang suplay ng kuryente bago ang itinakdang oras. Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na ituring na may kuryente sa lahat ng oras ang mga linya at kagamitang elektrikal.
Humingi naman ng paumanhin ang kooperatiba sa abalang maidudulot ng mga gawaing pangkumpuni at pagpapanatili ng mga pasilidad ng kuryente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣












