Pormal nang isinumite sa Marikina Hall of Justice ang certified true copy ng death certificate ng isang public teacher at rider na si Alexander Cruz, na namatay matapos mabangga ng SUV na umano’y minamaneho noong June 13 ni David Alfred de Guzman, anak ni Marikina City Vice Mayor Del de Guzman.

Layon nito na itaas sa reckless imprudence resulting in homicide ang kasong isasampa laban kay De Guzman.

Sa isang Facebook post, nanawagan sa mga awtoridad ang ina ni Cruz, na huwag nang patagalin ang preliminary investigation lalo’t kumpleto naman na ang mga pangunahing dokumento at para maisampa na ang opisyal na kaso sa korte.

Matatandaang inaresto si De Guzman at sinampahan ng reklamong reckless imprudence resulting in physical injuries and damage to property, at paglabag sa Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013 matapos ang insidente, pero, nakalaya din matapos magpyansa para sa pansamantalang paglaya.

Samantala, mariin namang iginiit ng nanay ni Alexander na hindi sila titigil hanggat hindi napapanagot ang may sala sa pagkamatay ng kaniyang anak.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag si De Guzman tungkol sa insidente.

Facebook Comments