
Tiniyak ni Senate Committee on Environment, Natural Resources Chairperson Senator Raffy Tulfo ang pag-arangkada ng panukalang National Land Use Act (NLUA).
Sa ilalim ng NLUA, magtatatag ng iisang pambansang polisiya sa wastong paggamit ng lupa sa buong bansa upang maprotektahan ang mga magsasaka at katutubo laban sa land grabbing, masiguro ang maayos na land development sa Pilipinas, at mapangalagaan ang environmentally critical areas.
Tinukoy ni Tulfo na mula 1994 ay paulit-ulit na inihahain ang panukalang ito sa Kongreso pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ito naisasabatas at palaging nabibinbin sa komite ng Senado.
Sinabi ni Sen. Raffy na sa ilalim ng kanyang pamumuno ay sisiguruhin niya na walang makakapigil para sa tuluyang pagsasabatas ng NLUA.
Idiniin ng senador na panahon na para bigyan ng matibay na sandata ang mga magsasaka at mga katutubo laban sa mga ganid na land grabbers na walang habas na sumisira sa kanilang tahanan at kabuhayan.










