
Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa publiko at media na iwasan ang pagpapakalat ng lantad na mga larawan at personal details ng mga sangkot na kabataan sa mga naiulat na karahasan sa paaralan lalo na at nagpapatuloy ang mga imbestigasyon sa mga ito.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., ang iresponsableng pagpapakalat ng mga video kaugnay ng mga trahedya sa eskwelahan ay hindi lamang isang nakakabahalang balita online kundi maaari rin itong magdulot ng pangmatagalang pinsala sa mga biktima, kanilang mga pamilya, at kapwa mag-aaral.
Aniya, hinihimok nito ang publiko lalo na ang mga content creator at social media users na itigil na ang siklo ng trauma sa pamamagitan ng pagbubura at iwasang pag-share ng mga nasabing videos para lamang makakuha ng engagements .
Dagdag pa nya, ang mga batang nakuhanan sa nasabing mga insidente lalo na ang mga biktima ay nararapat na bigyan ng proteksyon at suporta at hindi maging sentro ng public judgement, online harassment, at unnecessary exposure sa oras na sila at ang kanilang pamilya ay humaharap na ngayon sa nasabing trauma.
Kaugnay nito, inatasan ni Nartatez ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) at iba pang kaukulang unit na bantayan ang pagkalat ng ganitong uri ng nilalaman online at makipag-ugnayan sa mga social media platform para sa posibleng pagtanggal o paghihigpit sa access ng mga ito.










