
Nasawi sa engkwentro ng militar at pulisya ang Chairman ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters–Bungos Faction (BIFF-BF) sa isinagawang operasyon sa Sitio Tambak, Barangay Calsada, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, madaling araw kahapon.
Ang suspek na si Esmael Abubakar, alyas “Kumander Bungos “na bukod sa pagiging Chairman ng nasabing teroristang grupo ay ang Top 1 Most Wanted Person sa Regional Level sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at Top 1 Most Wanted Person sa Provincial Level sa Maguindanao del Sur at siya ay may patong na 3 milyong piso sa ulo mula sa Department of National Defense- Department of the Interior and Local Government (DND-DILG).
Ang kanyang grupong kinabibilangan ay umano’y nasa likod ng pagambush sa mga Philippine National Police (PNP) personnel sa Shariff Aguak, Maguindanao Del Sur nitong March 28 ngayong taon.
Samantal, ang nasabing operasyon ay isinagawa sa bisa ng mga warrant of arrests para sa kasong may kinalaman sa Murder, Multiple Frustrated Murder, Multiple Attempted Murder at Destructive Arson.
Ayon sa ulat, sinecure ng mga militar at pulisya ang lugar kung nasaan ang nasabing suspek at ito ay kanilang pinakiusapan para sa mapayapang pagsuko.
Ngunit imbes na gawin ito ay nakipagbarilan ito sa mga awtoridad na nagresulta sa kanyang pagkakasugat.
Dinala pa ang nasabing suspek sa ospital kung saan kinalaunan sya ay binawian ng buhay.
Narekober sa lugar ang isang kalibre .45 na baril na may buradong serial number at mga bala sa chamber.
Habang ang mga kasamahan ng nasabing suspek ay dinala sa Sultan Kudarat Municipal Police Station para sa tamang disposisyon.










