
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pangmatagalang suporta ng pamahalaan sa mga residenteng naapektuhan ng lindol sa Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Ayon kay Cabinet Secretary Benhur Abalos, kabilang sa mga inilaan na tulong ang pansamantalang pabahay, cash-for-work, livelihood training, farm inputs, temporary classrooms, serbisyong medikal at internet connectivity.
Naglaan din ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ng 100 modular shelter units, habang nagkaloob ang National Housing Authority ng cash assistance sa mga pamilyang nasira ang bahay.
Nagpatupad naman ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng TUPAD cash-for-work, habang nagbigay ang TESDA at Department of Trade and Industry (DTI) ng livelihood training at suporta sa mga produkto ng mga residente.
Para sa mga magsasaka, naghatid ang Department of Agriculture (DA) ng mga hayop, binhi at punla para maibalik ang kanilang produksyon.
Patuloy rin ang clearing operations sa mga kalsada at ilog, habang nagbibigay ng pansamantalang learning spaces at serbisyong pangkalusugan ang iba pang ahensiya.
Ayon kay Abalos, tututukan ngayon ang mga pangangailangan ng mga pamilya hanggang sa makabalik sila sa kanilang tirahan, trabaho at kabuhayan.
Susuriin din ang pangmatagalang pangangailangan ng iba pang lugar na naapektuhan ng kalamidad, kabilang ang Glan at Malapatan.










