Iimbestigahan na rin ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagkamatay ng dalawang Ateneo student-athletes na sina Rene Baterbonia and Divine Adili.
Ayon sa CHED, ang kalunos-lunos na insidenteng ito ay nangangailangan ng masusi, walang kinikilingan at agarang pagsusuri sa lahat ng mga pangyayari na may kaugnayan sa pagkamatay ng mga student-athlete.
Pinagsusumite na ng CHED National Capital Region ang Ateneo de Manila University (ADMU) ng comprehensive incident report at pagpapaliwanagin ang mga university officials.
Base sa impormasyon na ibinigay ng Ateneo de Manila University – Crisis Management Team, ang insidente ng pagkalunod ay nangyari habang isinasagawa ang off-season team-building and training camp na nilahukan ng 24 student-athletes at pitong adult supervisors, na kinabibilangan ng mga coaches at staff members ng ADMU Men’s Basketball Team.
Nagparating na rin ng pakikiramay ang CHED sa pamilya nina Baterbonia at Adili.










