China, posibleng makialam sa mga susunod na eleksyon sa Bansa

Nagbabala si Senator Risa Hontiveros na posibleng hindi ito ang huling eleksyon na makikialam ang China matapos na ibunyag sa pagdinig ng Senado na nanghihimasok ang nasabing bansa sa 2025 midterm elections.

Kaugnay rito ay nanawagan si Hontiveros sa National Security Council (NSC) at sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na imbestigahan ang naturang isyu.

Kinalampag din ng mambabatas ang Commission on Elections (COMELEC) na silipin din ang naturang usapin dahil ang anumang panghihimasok ng dayuhan sa eleksyon ay maituturing na election offense.

Dapat aniyang ipatawag ng Malacañang si Chinese Ambassador Huang Xilian habang kinalampag naman ang Senado na ipasa na ang Foreign Interference Act.

Sinabi ni Hontiveros na dapat maaprubahan ang panukala dahil posibleng hindi pa ito ang huling eleksyon na susubukang panghimasukan ng China.

Facebook Comments